Nobela ng Kaligtasan at Pagsinta

Si Cymbeline at ang kaniyang unang nobela

Kung may refrigerator ang Dios, tiyak nakadikit doon ang litrato mo. Sa wallet niya, nandoon din ang picture mo kasama ng driver’s license. Totoo, baliw na umiibig ang Panginoon sa iyo.

Eh bakit marami kang dasal na ang tagal o mukhang ayaw Niya naman sagutin? Kasi may priority Siya na dapat ibigay sa iyo na hindi mo naman hinihiling o nag-aatubili kang hingiin.

Masasabi mo ba  sa Kaniya, “Panginoon, alam mo naman na nilikha mo ako mula sa lupa— marupok, palalo, makasalanan. Puwede ba isugo mo na lang ang Anak mo upang mag sakripisyo para sa akin, ipako sa krus na mistulang pusakal na  kriminal, para bayaran ang mga kasalanan ko na kailan man ay hindi ko naman talaga kayang bayaran?

"At saka, tutal, binayaran na rin lang naman ng Anak mo ang mga utang ko, puwede ba protektahan mo na rin ako, bigyan ng pagkain at tubig sa araw-araw, malinis na hangin, banayad na sikat ng araw, kapahingahan sa pagtulog, damit, sapatos, at jowa na  true love forever?"

So crazy in love talaga ang Dios sa iyo at sa akin kaya ibinigay na Niya ang Kaniyang walang hanggang pag-ibig bago pa man tayo makipagkasundo at umibig sa Kaniya.

Iyan ang mensahe ng Ang Maghuhurno ni Cymbeline Villamin. Ang nobela ay balita ng kaligtasan, na nagpapanggap bilang erotikang romansa. Maraming kilig na mga eksena. Ngunit marami ding malalim na hugot.

“Hindi ako preacher o mangangaral, ako ay Kuwentista. Nang naghilom ako mula sa breast cancer noong 2010, inialay ko ang aking panulat sa Dios,” pahayag ni Cymbeline.

Sa kaniyang paunang salita sa nobela, isinulat ni Cymbeline:

     Siguro sasabihin ng ibang mambabasa na ang kuwento ng Ang Maghuhurno ay iskandalosa, sapagkat ang pangunahing tauhan ay isang babaeng may-asawa na nagkaroon ng kaugnayan sa ibang lalaki, kahit na sabihin pa na nagsisi naman siya at pinatawad. Bakit pa isinalaysay? Sapakat lahat ng ganap at danas ay karapatdapat ikuwento, ayon sa paniniwala ni Annie Ernaux, isang French fictionist at Nobel Laureate para sa Panitikan sa taong 2022. Isa pa, hayaang ulitin ko dito ang buod ng sinabi ni Chad Bird sa kaniyang Paunang Salita para sa aklat na Scandalous Stories.

     Ayon kay Chad, si Hesu Kristo ay isang iskandalosong Messiah. Sinabi niya ito sa konteksto nang panahon ng Bagong Tipan sa Banal na Aklat. Nang panahong iyon, malaking iskandalo ang mga ginawa ni Hesus na pagtanggap sa mga imbitasyon na dumalo sa banquete ng mga taga-singil ng buwis. Noon pa man katulad ngayon, may bahid ng korapsyon ang tingin sa tax collectors. Sakop ng emperyo ng Roma ang mga Hudyo at napakataas ng buwis, na pinapatungan pang lalo ng mga kolektor na Hudyo rin, kaya napopoot sa kanila ang mga mamamayan. Bakit kumakain at umiinom si Hesus kasama ang mga makasalanan!

     Tinanggap rin ni Hesus ang imbitasyon sa isang hapunan ni Simon, isang Pariseo. Ang mga Pariseo ay nagpapahirap din sa mga tao, dahil sa kanilang napakarami at napakahirap sundin na mga batas ng relihiyon. Sa piging ni Simon, lumapit kay Hesus ang isang babae na sex worker. Bitbit ng babae ang banga na alabastro. May laman ito na mamahaling pabango. Lumuhod ang babae sa paanan ni Hesus at ibinuhos ang pabango sa mga paa niya,  habang umiiyak, at sa gayon ay humalo ang kaniyang mga luha sa pabango. Pinahiran ng babae ang mga paa ni Hesus sa pamamagitan ng kaniyang nakalugay na mahabang buhok. Sinabi ni Hesus sa babae, “Ang lahat ng iyong sala ay pinatawad na.” Labis  na na-shock ang nakasaksi na mga panauhin, sapagkat hinayaan ni Hesus na lumapit sa kaniya at hipuin siya ng isang babaeng walang dangal.

     Ang pinakamalaking eskandalo ay ang pagkamatay ni Hesus sa krus. Tanging ang mga pusakal na kriminal lamang ang hinahatulan ng ganitong  paraan ng kamatayan. Isipin pa na kasama niyang ipinako sa bundok ng kalbaryo ang dalawang magnanakaw.

     Ipinahihiwatig nang lahat ng ito na mayroong dekonstraksyon na nagaganap sa pagtatala ng ganitong kuwento ng mga iskandalo. Winawasak ang nakagawiang tanggap ng madla na konstrak o istruktura— kung saan ipinagbubunyi ang mga wagi at nilalait naman ang mga talunan-- ayon sa pamantayan ng mundo.

     Sa madaling salita, layon lamang ng nobelang ito na maghurno ng mas malawak na pagtanaw sa kung ano nga ba ang totoong pag-ibig sa kapuwa— ito ba ay mabilis maghusga, hirap umunawa at mapatawad, naglilista ng mga kasalanan at laging handa magpataw ng parusa at ipahiya, ilugmok ang kaaway?

     Pagbulay-bulayan po natin ang sinabi ng Messiah, “Sa kaharian ng aking Ama, ang mga nasa dulo ang siyang mangunguna; ang mga nasa unahan ang siyang huli; at iyon lamang mga hindi takot mamatay ang karapatdapat mabuhay.”

Basahin po natin. “Maganda at nakakaaliw,” ayon kay Romulo P. Baquiran Jr., propesor ng Sining at Letra, direktor din ng Institute of Creative Writing sa University of the Philippines- Diliman.

Mabibili sa website ng tagapaglimbag, ang 

8Letters Bookstore and Publishing https://8lettersbooks.com/shop/ang-manghuhurno

Puwede din bumili sa Shopee. 

https://bit.ly/3J433mk


                                                                                                                  

 

 

 

 

 

Comments

Popular Posts