Alaala sa Pangalawang Taon ng Pandemia Covid-19


Magda-dalawang taon na noon nang kasagsagan ng pandemia covid-19. Medyo nasanay na rin tiisin ang bagabag, lungkot, takot sa kawalang-katiyakan na bukas.
Ang lahat ay nasumikap magpatuloy sa buhay. Naalala ko noong taon 2021:

Nailathala sa Liwayway ang aking maikling kuwento, "Ang Tawiran sa Shibuya";

Nag-online lecture ako sa mga BS Education estudyante ng PUP- San Juan, tungkol sa Malikhaing Pagsulat;

Napili akong isa sa higit sa 20 fellows mula sa Pilipinas, Japan, at US upang makilahok sa Joi Barrios Romance Fiction Writing Workshop. Sa palihan, nabuo ang konsepto para sa una kong nobela na Ang Maghuhurno. Nag-iba ng maraming ulit ang pamagat, hanggang sa mabasa ko ang tala sa kasaysayan tungkol sa bibingkera ng Kawit, na isinulat sa Philippine Daily Inquirer ng pinaka-kilalang Historiador ng ating bansa sa kasalukuyan, si Prof. Ambeth Ocampo.

Bago magwakas ang 2021, medyo malinaw na ang landas na tatahakin ng nobela. Malaking tulong na mayroon na itong working title, na hindi ko na binago. Nag-invest na talaga ako sa pamagat na pinili ko-- tumutukoy sa pangunahing tauhan na minana ang husay, alindog, at sidhi ng kaniyang abuela, ang bibingkera sa Kawit noong circa 1890, panahon ng himagsikan para sa kasarinlan at karangalan.

Nagsimula ako ng serioso na pagsusulat sa buwan ng Marso 2022. Nobyembre natapos. Ipinabasa ko sa isang mahusay at premyadong manunulat at guro, sa payo na rin ni Dr. Joi Barrios-Leblanc. Hiniling ko na sumulat si Dr. Leblanc ng Introduksyon para sa nobela. Laking tuwa ko at pasasalamat  nang siya ay nagpaunlak.

Sa gabay ng Dakilang Lumikha, nakatagpo ako ng Publisher, ang 8Letters. Napakahusay at mabilis magtrabaho ang Team na pinangungunahan ni Bb. Cindy Wong, ang CEO.

Pebero 19, 2023 inilunsad ang nobela, isang buwan matapos magpirmahan ng kontrata.

Marso 4, 2023 inilabas na sa online bookshop ang nobela. Napakasaya ko at labis ang pasasalamat sa Panginoon, sa 8Letters, kay Dr. Leblanc, kay Prof. Joey Baquiran ng U.P., sa aking pamilya, at sa aking mga kaibigan.

Tunay nga, intensyon ng Kaaway na salantain at ilugmok ng covid-19 ang sangkatauhan, ngunit sa kapangyarihan ng Dios na umiibig sa atin ng tapat, ginamit Niya ang pandemia upang tayo ay higit pa na maging mabuti sa sarili at sa kapuwa, maging mapagpatawad, maunawain, maibigin, makita ang sariling mga kalikuan at pagkukulang, at higit sa lahat, maging malikhain. Nang sa gayon, maluwalhati ang Dakilang Lumikha sa ating  buhay.






 

Comments

Popular Posts