Usaping Erotika at Politika


 Nahimay na kung paano mang-akit, magpakilig at magpaibig Ang Maghuhurno ni Cymbeline Villamin, pati na rin ang istilo at estratehiya sa pag-suway sa hangganan upang maangkin ang salvific value di-umano ng obra. At mukha namang lusot ang nobela sa pamantayan. (Basahin ang “Baking the Novel and Raising up the Dead,” Health and Lifestyle Magazine Online, 27 March 2023 at “Rescued from the Fall,” Filipino Writers Facebook, 2 April 2023.)

Ano naman ang taya sa usaping kasaysayan at politika? Bagamat nagpakilig muna sa unang kabanata sa panahon ng adviento, agad namang bumalikwas at nagbalik gunita sa panahon ng Himagsikan 1896. Inilatag ang plataporma ng noibela sa “Maginoong Taksil,” tungkol kay Emilio Aguinaldo. Si Aguinaldo ay isang magiting at matalinong heneral ng pangkat Magdalo ng Kataastaasan Kagalang-galang na Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK) na itinatag ni Andres Bonifacio. Si Aguinaldo ay tubong Kawit, Cavite. Lahat ng digma laban sa mga kawal na Kastila ay naipanalo ng kaniyang pangkat. 

22 Marso 1897 naganap ang Tejeros Convention na ang layon ay magkasundo ang pangkat Magdiwang na pinamumunuan ni Bonifacio at ang Magdalo ni Aguinaldo. Nagkaroon ng halalan para sa pinuno at si Aguinaldo ang nagwagi.  Nagprotesta ang pangkat ni Bonifacio. Kinalaunan, naitala sa kasaysayan ang mga pagmamalabis ng pangkat ni Aguinaldo at wala siyang ginawa tungkol dito. May nagpayo sa kaniya na ipapatay si Bonifacio at kapatid nitong si Procopio at ito nga ay kaniyang ipinatupad.

 “Taksil sa prinsipyo ng Himagsikan, taksil sa Bayan!,”

pag-uusig ni Liz Virata kay Aguinaldo. Si Liz ay ikaapat ng henerasyong apo ng mahusay na hurnera ng Kawit, opisyal na bibingkera ng presidente. Si Liz ang bida sa romantikong nobela na ito, na nakagawa rin ng pagtataksil sa kaniyang unang pag-ibig at kabiyak na si Enzo Virata, mula sa angkan ng mga patriots, tapat ang pag-ibig sa bayan,  mga angkan ng Basa, sa panig ng kaniyang ina, taga Maragondon.

 Mistulang sinulid na pula ang mga pagtataksil na nakahabi sa kuwento— mula sa Eden nang kinagat ng unang babae ang ipinagbabawal na bunga, Himagsikan 1896, panahon ng diktadura noong dekada ’70 hanggang sa panahon ni Duterte kung saan talamak ang tokhang at misogyny, kasuklam-suklam na korapsyon sa panahon pa naman ng pandemia Covid-19, pambansang halalan Mayo 2022, pati na sa kasalukuyan.

Ikinalat sa iba’t-ibang bahagi ng nobela ang mga katotohanang hindi dapat mabura sa alaala ng mga susunod na saling-lahi :

1.      1.  Pagnanakaw ng pangkat Magdalo sa taong bayan at panggagahasa sa mga kababaihan na kababayan nila

 2.    Pagpaslang kay Andres Bonifacio at sa kaniyang kapatid na si Procopio sa napakalupit na paraan

 3.    Panghahalay kay Gregorio de Jesus, lakambini ng Katipunan at asawa ni Andres Bonifacio ng isang heneral ng Magdalo, si Col. Agapito Bonzon

 4.    Pagpapahirap at pagpatay kay Archimedes Trajano, estudyante ng Mapua noong 1972

 5.    Pagkukuryente sa maselang bahagi ng katawan ng mga lalaki at babae na ipiniit sa Kampo Krame noong panahon ng batas militar sa akusasyon na sila ay mga subersibo

 6.    Panggagahasa, paghpapahirap, at pagpatay nang panahon ng diktadura sa napakaraming biktima

 7.    Misogyny, Tokhang / Extra judicial killings sa panhon ni Duterte

 8.    Pandaraya sa Halalan 2022 kung paano nangyari na sa isang bansa na napakabagal ng internet, nagawang magbato ng mga servers ng mga numero na hindi matukoy kung saang mga  voting precints nagmula. 

Tila ba lihim na hiyas, ang pagtatala ng mga ganap na  ito ang tunay na alay ng nobela sa mambabasa na may edad mula 16 hanggang 60 at lagpas pa. Mga paalala na huwag mahaling ng labis sa TikTok ng narsisismo at sex, at utang na loob, ibigin n’yo naman ang ating Lupang Hinirang, ang ating Inang Bayan.

Comments

Popular Posts